Mga Artikulo
Ang 7 Pinaka-nakamamanghang Record sa Chess

Ang 7 Pinaka-nakamamanghang Record sa Chess

SamCopeland
| 189 | Kasiyahan at Trivia

Ang mga record ay nagbibigay inspirasyon sa atin na abutin ang kadakilaan. Ang mahabang pinagmulan ng chess ay nagbunga ng mga record na tumagal na ng ilang dekada, at ang ilan sa mga ito ay maaaring manatili pa ng ilang siglo.

Ito ang pitong pinaka-nakamamanghang mga record sa chess na naukit sa kasaysayan

Pinakamahabang Sunud-sunod na Panalo: Pandaigdigang Kampeon Bobby Fischer – 20 (or 19?) Laro

Bobby Fischer, World Chess Champion

Bobby Fischer, humahawak ng pandaigdigang record para sa pinakamaraming sunud-sunod na panalo sa master chess. | Litrato: Wikipedia.

Sa kanyang paghahabol sa titulo na humantong sa laban nila ni Boris Spassky, si Bobby Fischer ay nanalo ng pambihirang 20 na laro laban sa mga elite na kalaban. Ang kanyang ratsada ay nagsimula sa Palma de Mallorca Interzonal ng 1970 kung saan nanalo siya ng pitong sunud-sunod na laro nang matapos ang paligsahan. Dahil nag-forfeit si Oscar Panno sa kanilang laro, ang ibang mananalaysay ng chess ay pinipiling huwag bilangin ang larong ito.

Sa sumunod na Candidates' matches noong 1971, parehong tinalo ni Fischer si Mark Taimanov at Bent Larsen sa perpektong iskor na 6-0. Isang buena-manong panalo sa sunod na laban nila ni Tigran Petrosian ay nasundan ng talo sa pangalawang laro, na tumapos sa ratsada.

Si Fischer ay nagpatuloy at parehong madaling tinalo sina Petrosian at Boris Spassky upang maging pandaigdigang kampeon ng chess.

Mga Honorable Mention:

  • Pandaigdigang Kampeon Bobby Fischer – 11/11 sa 1963/4 U.S. Championship
  • GM Fabiano Caruana – Pitong Panalo sa 2014 Sinquefield Cup

Pinakamahabang Ratsada na Walang-Talo: Pandaigdigang Kampeon Mikhail Tal – 95 Laro

Mikhail Tal, World Chess Champion

Si Mikhail Tal, ang humahawak ng pandaigdigang-record para sa pinakamahabang sunud-sunod na master games na walang talo. | Litrato: Wikipedia

Si Mikhail Tal ay sumikat sa kanyang malikhaing estilo sa pag-atake, na naipamalas ng buong-buo sa kanyang 1960 na laban para sa pandaigdigang kampeonato kontra Mikhail Botvinnik. Sa pagpanalo ng labang iyon, siya ay naging pinakabatang pandaigdigang kampeon sa kasaysayan sa edad na 23: isang record din na tumagal hanggang sa tinalo ni Garry Kasparov si Anatoly Karpov noong 1985 sa edad na 22.

Ang career ni Tal ay binagabag ng mga problema sa kalusugan at ang kanyang inconsistent na laro ay pwedeng maging dahilan upang hindi mapansin ng iba ang mga huli niyang taon na pambihira. Mula October 23, 1973 at October 16, 1974, siya ay nagpatuloy ng 95 laro nang walang talo, isang kamangha-manghang achievement na wala pang nakakalapit na mapantayan.

Mga Honorable Mention:

  • Mikhail Tal (ulit!) – 85 Laro mula July 1972 hanggang April 1973
  • Pandaigdigang Kampeon José Raúl Capablanca – 63 Laro mula February 10, 1916 hanggang March 21, 1924

Pinakamatagal na Pandaigdigang Kampeon: Emanuel Lasker – 27 Taon

Emanuel Lasker, World Chess Champion

Si Emanuel Lasker, ang pinakamatagal na naging pandaigdigang kamepon. | Litrato: Wikipedia.

Si Emanuel Lasker ang naging pangalawang pandaigdigang kampeon nang tinalo niya si Wilhelm Steinitz noong 1894. Nahawakan niya ang kanyang titulo hanggang sa natalo siya ni Jose Raul Capablanaca noong 1921. Nagpatuloy siyang maglaro at magpakitang-gilas sa mga elite na paligsahan hanggang sa 1930s. Madalas nababanggit na ang paghahari ni Lasker ay nadugtungan dahil sa pagpasok ng World War I na nag-udlot sa mga laban niya kontra kay Rubinstein at Capablanca. Kahit hindi bilangin ang mga taong iyon, ang paghahari ni Lasker ay di-hamak na mas mahaba pa rin kaysa sa ibang mga kampeon.

Mga Honorable Mention:

  • Pandaigdigang Kampeon Garry Kasparov – 15 Taon mula 1985 hanggang 2000
  • Pandaigdigang Kampeon Mikhail Botvinnik – 13 Hindi Sunud-sunod na Taon mula 1948 hanggang 1963

Pinakamataas na Elo sa Kasaysayan na Naitala: Pandaigdigang Kampeon Magnus Carlsen – 2882

Magnus Carlsen, World Chess Champion

Ang Pandaigdigang Kampeon na si Magnus Carlsen, ang pinakamataas na rated na manlalaro sa buong kasaysayan. | Litrato: Maria Emelianova.

Si Magnus Carlsen ay gumawa ng kanyang marka noong May ng 2014 sa listahan ng FIDE. Unofficially, naabot niya ang mas mataas na marka na 2889 sa listahan ng live ratings. May mga nagsasabing ang inflation sa rating ay ginagawang walang-halaga ang mga record na ito, pero ang pagsusuri ng Chess.com ay nagpapakita na ang abilidad sa chess ay talagang tumataas sa paglipas ng panahon.

Sa oras ng pagsulat nito, 12 manlalaro pa lang ang umaabot sa rating na 2800. Si Carlsen lamang ang tanging manlalaro na lumalapit na sa 2900.

Mga Honorable Mention:

  • Pandaigdigang Kampeon Garry Kasparov – 2851 noong July 1999
  • GM Fabiano Caruana – 2844 noong October 2014

Pinakabatang Naging Grandmaster: GM Sergey Karjakin – 12 Taon, Pitong Buwan

Sergey Karjakin, Chess Prodigy

GM Sergey Karjakin, ang pinakabatang grandmaster sa buong kasaysayan. | Litrato: Maria Emelianova.

Karjakin ay, sa oras ng paglilimbag nito, ang tanging manlalaro na nagkamit sa titulo na grandmaster sa edad na 12 taon. Naranasan ni Karjakin sa unang beses ang maglaro sa pangkampeonatong laban nang maging 12 siya, nagsilbi siya bilang second ni Ruslan Ponomariov sa laban para sa pandaigdigang kampeonato kontra Vasily Ivanchuk.

Noong 2016, nakamit ni Karjakin ang kanyang unang subok na lumaban para sa pandaigdigang kampeonato, sa pagkikipagharap kay Magnus Carlsen. Ang laban ay natapos sa rapid tiebreak pabor kay Carlsen pagkatapos ng 6-6 na tabla sa loob ng 12 klasikal na laro, kung saan ang bawat manlalaro ay nanalo ng tig-isang laro.

Mga Honorable Mention:

  • Pandaigdigang Kampeon Bobby Fischer – 15 taon, 6 buwan, 1 araw noong 1958
  • GM Judit Polgar – 15 taon, 4 buwan, 28 araw noong 1991

Pinakamaraming Simultaneous Games: GM Ehsan Ghaem Maghami – 604 Laro

Ehsan Ghaem Maghami, Simultaneuos Chess

Si GM Ehsan Ghaem Maghami, ang humahawak ng pandaigdigang record para sa simultaneous chess. | Litrato: Wikipedia.

Ang isang simultaneous exhibition ay isang set ng sabay-sabay na laro kontra sa maraming kalaban. Kadalasan ang mga kalaban ay nakaupo ng nakahilera o paikot at ang master ay isa-isang iniikot ang mga manlalaro, tumitira sa bawat kalaban bago lumipat sa susunod.

Si Ehsan Ghaem Maghami, ang siyam na beses na Iranian champion, ay naglaro ng nakakagulat na 604 simultaneous na kalaban para angkinin ang pandaigdigang record para sa pinakamaraming simultaneous na kalaban. Nanalo siya sa 580 na laro, tumabla sa 16 laro lamang at natalo sa walo sa isang simultaneous exhibition na ginanap sa Tehran, Iran. Ang exhibition ay nangyari noong February 8–9 ng 2011 sa sports stadium ng Shahid Beheshti University.

Mga Honorable Mention:

  • Susan Polgar – 326 Kalaban, Nag-score ng 309 Panalo, 14 Tabla, 3 Talo noong 2005
  • José Raúl Capablanca – 103 Kalaban, Nag-score ng 102 Panalo, 1 Tabla noong 1922

Pinakamaraming Simultaneous Games na Naka-blindfold: GM Timur Gareyev – 48 Laro

Timur Gareyev, Blindfold Chess

Si Timur Gareyev, ang humahawak ng pandaigdigang record para sa blindfold chess. | Litrato: Mike Klein.

Isa sa pinakapambihirang nagawa sa chess ay ang blindfold game. Sa isang blindfold game, ang manlalaro ay hindi pinapayagang tumingin sa board. Kailangang tandaan ng mga manlalaro ang buong posisyon gamit ang kanilang isip habang ang mga tira ay sinasabi gamit ang notasyon sa chess. Sa isang simultaneous blindfold exhibition, kailangan tandaan ng nagbibigay ng exhibition ang lahat ng mga posisyon nang sabay-sabay, isang nakakagulat na abilidad sa chess at konsentrasyon.

Naitala ni Timur Gareyev ang isang bagong pandaigdigang record sa format na ito noong December 3–4 ng 2016 nang nakipaglaro siya sa 48 na kalaban nang sabay-sabay. Naka-iskor siya ng 35 panalo, pitong tabla, at anim na talo. I-experience itong muli sa report ng Chess.com sa world record attempt na ito.

Mga Honorable Mention:

  • FM Marc Lang – 46 kalaban noong 2011
  • GM Miguel Najdorf – 45 kalabang laro noong 1947

Inspirado ka bang simulan ang iyong mga sariling chess record? Gumawa ng account sa Chess.com at simulang matuto ng chess ngayon!

SamCopeland
NM Sam Copeland

I'm the Head of Community for Chess.com. I earned the National Master title in 2012, and in 2014, I returned to my home state of South Carolina to start Strategery: Chess and Games. In late 2015, I began working for Chess.com and haven't looked back since.

You can find my personal content on Twitch , Twitter , and YouTube where I further indulge my love of chess.